Patuloy na nakikipag-ugnayan ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa National Government para tulungan ang ilang mga pasahero na na-istranded matapos makansela ang kanilang mga biyahe.
Kaugnay nito, sinabi ni Pasay City Mayor Emi Calixto- Rubiano na ang mga locally stranded individuals na aabot sa 200 ang bilang ay inilipat na nila sa Villamor Airbase Elementary School kung saan isasailalim sila sa pagsusuri para masigurong ligtas sa COVID-19.
Mismong ang Philippine Coast Guard at Pasay-Philippine National Police (PNP) ang sumundo sa mga stranded na pasahero kung saan karamihan sa kanila ay may ticket na pero ang iba ay wala habang ang ilan ay nabentahan ng pekeng ticket.
Napag-alaman pa na ang ilan sa mga stranded na pasahero ay nakakatanggap lang ng mensahe sa social media na nagsasabing may libreng flights papauwi sa kani-kanilang probinsiya.
Dahil dito, nananawagan ang alkalde na huwag basta-basta maniwala hangga’t hindi nanggagaling sa kinauukulan ang pahayag.
Sinabi pa ni Mayor Emi na problema nila naman ngayon ang pagdating ng iba pang batch ng stranded na pumalit naman sa nagsi-alisang pasahero sa ilalim ng flyover kaya’t gumagawa na sila ng paraan na mahanapan ang mga ito ng pansamantalang matutuluyan.
Muli rin niyang paalala sa mga pasaherong tutungo ng paliparan na makipag-ugnayan muna sa mga airline comapany upang malaman ang kanilang confirmed flights nang hindi na maabala pa sakaling makansela ito.
Nananawagan din ang alkalde sa mga airline company na agahan naman sana ang pag-aanunisyo ng pagkansela ng mga biyahe.