Friday, January 16, 2026

Lola, arestado sa pagpupuslit ng droga sa NAIA

Arestado ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang 62 anyos na babae sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos na magtangkang ipuslit ang dalawang kilo ng shabu.

Ang suspek na si alyas Aida na pa-biyahe patungong Bacolod City ay hinuli sa isang operasyon ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group kaninang ala-una ng hapon.

Narekober sa kaniya ang isang hand-carry baggage na may kahong naglalaman ng dalawang kilo ng hinihinalang shabu, na tinatayang nagkakahalaga ng ₱13.76 million.

Nakumpiska rin kay alyas Aida ang kaniyang cellphone, digital weighing scale, travel documents, at identification cards.

Mahaharap si alias Aida sa paglabag sa Article II ng Republic Act No. 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Facebook Comments