LOLA, NATAGPUANG WALANG BUHAY SA LOOB NG SARILING BAHAY SA DAGUPAN CITY

Isang 79-anyos na babae ang natagpuang wala nang buhay sa loob ng kanyang tahanan sa Dagupan City matapos madiskubre ng kanilang kasambahay na nakahandusay at hindi na gumagalaw.
Batay sa ulat ng mga awtoridad, nalaman ang insidente matapos magtungo sa tanggapan ng pulisya ang dalawang tanod upang iulat ang pagkakadiskubre sa bangkay.
Sa isinagawang paunang imbestigasyon, lumalabas na habang maglilinis sa bahay ng amo, napansin ng kasambahay na nakahiga na sa sahig ang matanda at walang anumang senyales ng buhay.
Agad niya itong ipinagbigay-alam sa kapitbahay ng biktima na siya namang tumawag sa barangay.
Ayon sa mga kamag-anak at kapitbahay na naroon sa lugar, matagal nang may iniindang karamdaman ang biktima at naniniwalang walang foul play sa pagpanaw nito.
Nagpahayag din ang pamilya na hindi na sila interesado sa pagsasagawa ng autopsy.
Patuloy na tinatapos ng mga awtoridad ang dokumentasyon kaugnay ng insidente.
Facebook Comments