Lola, Pinalakol ng Sariling Anak, Patay!

*Cordon, Isabela- *Hindi na umabot ng buhay sa pagamutan ang isang lola matapos palakulin ng lasing na anak nito.

Ang biktima ay kinilalang si Juanita Innit, 67 taong gulang, may asawa samantalang ang suspek ay si Tony Innit, 42 taong gulang na kapwa residente ng Barangay Wigan, Cordon, Isabela.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP Cordon, bandang 12:15 kaninang madaling nang dumating sa bahay ng biktima ang anak nito na lulong sa alak at basta na lamang hinataw ng palakol ang ulo ng biktima maging sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na sanhi ng kanyang kamatayan.


Nabatid na unang naghamon ng away ang suspek sa kanilang lugar at hinabol ang kanyang pamangkin subalit nakapagtago ito.

Kaugnay nito, pumasok sa loob ng bahay ang suspek at isinagawa ang karumal-dumal na krimen sa kanyang sariling ina.

Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong Parricide matapos madakip ng mga rumespondeng mga alagad ng batas sa nasabing bayan.

Facebook Comments