Lolo na 2 beses nang inatake sa puso, itinanghal na pinakamabilis na 84-anyos sa mundo

Tony Bowman photo courtesy of SWNS

Kinilala bilang pinakamabilis na 84-anyos sa buong mundo si Tony Bowman ng United Kingdom sa kabila ng naranasang dalawang atake sa puso.

Lumahok sa European Masters sa Italy noong nakaraang buwan si Bowman at nakasungkit ng tatlong medalya sa labanan ng mga nasa 80-84 ang edad.

Nag-uwi ang kampeon mula West Yorkshire ng gold medal sa hurdles, silver sa 400m relay, bronze sa decathlon at pang-apat sa 100m at pang-lima naman sa 200m.


“It is the younger athletes that are beating me. There is no 84-year-old faster than me in the UK–no, the world,” sabi ni Bowman.

Nang unang beses na sumabak si Bowman sa 80-84 age category, nakabasag siya ng 11 record ng decathlon at pentathlon sa UK, isa sa Europe, at isang international.

“I am looking forward to doing this again next year when I get into the next age category when I turn 85,” ani Bowman.

Hilig pa rin ni Bowman na lumahok sa palakasan kahit dalawang beses nang inatake sa puso noong nasa edad 70 at hanggang ngayo’y ginagamot dahil sa abnormal heart rhythm.

Nagsimula ang pagkahumaling ni Bowman sa pagtakbo nang naging pambato siya ng kanilang paaralan noong edad 15-16.

Noong nag-27-anyos, tumigil siya sa pagtagpo pero nanatiling naglalaro ng hockey at tennis, hanggang sa edad 42 na bumalik siya sa athletics sa kategorya ng mga beterano o Masters.

Patuloy naman ang pagsali ni Bowman sa mga Masters sa buong mundo.

Ang Masters athletics ay palakasan para sa mga nakatatandang atleta ng track and field, road running, at cross country running.

Hinahati-hati ang mga kalahok sa tig-limang taon simula sa edad na 35 para sa track and field, at 40 naman sa distance-running events.

Facebook Comments