BANGKOK, Thailand – Himalang nakaligtas pa ang isang lolo matapos ang walong araw na pagkakulong sa loob ng tinutuluyang apartment at walang pagkain matapos itong ma-stroke.
Natagpuan ng manager ng kanyang tinutuluyan si Bill Fairbairn, 64, na nakalatag sa sahig habang napapalibutan ng tubig na nagmumula sa lababo.
Ayon sa report ng Daily Record, inatake ng stroke si Bill at hindi na umano nito magawang tumayo.
Maaaring pinilit daw nitong sirain ang tubo para umapaw ang tubig na maiinom niya sa loob ng ilang araw.
Natagpuan din ang ilang sira-sirang gamit na maaaring sinira raw ni Bill para makakuha ng atensyon sa staff ng apartment.
Kwento ni Fiona, anak ni Bill, Enero 16 nang umalis umano ito sa kanila para maglibot sa Thailand mag-isa.
Nagtaka raw sila nang biglang hindi na raw nagparamdam ang ama mula Pebrero 22.
“He usually texts my auntie and his sister everyday, but we knew there was something up when he suddenly stopped texting them on February 22,” aniya.
Dito na umano sila nagsimulang maghanap at humingi ng tulong online si Fiona tungkol sa hindi nagpaparamdam na tatay.
Masuwerteng nakahanap ito ng tulong sa isang taga Thailand na madalas daw nakikita si Bill sa isang bar kung saan ito umiinom.
Nang makahingi ng tulong, agad na pinasok ng manager ng apartment ang kwarto nito kung saan tumambad ang kaawa-awang matanda.
Agad namang dinala si Bill sa ospital sa Bangkok para magpagaling.
Kasalukuyan ding naglilikom ng pera ang kanyang pamilya para sa mga gastusin habang nananatili rito.
Hindi pa rin daw makapaniwala ang matanda na makakarekober siya sa loob ng walong araw na hindi kumakain at naghihintay ng rescue.