Lolo sa San Manuel Isabela, Patay!

San Manuel, Isabela – Kaagad na binawian ng buhay ang isang lolo o senior citizen matapos na mabangga ng elf truck sa National Highway ng District 1, San Manuel, Isabela pasado alas otso kagabi, December 8,2018.

Sa ibinahaging impormasyon ng Isabela Police Provincial Office, kinilala ang biktima na si Domingo Feleciano Agustin, 70 anyos, magsasaka, walang asawa at residente ng District 2 San Manuel, Isabela habang ang suspek at drayber ng elf truck ay si Danilo Caratitivo Lacar Jr., may asawa, at nakatira sa Poblacion, Cabugao, Apayao.

Batay sa pangyayari, tumatawid ang biktima sa nasabing lansangan nang aksidenteng mabangga ng rumaragasang truck na patungong Roxas, Isabela.


Sa resulta ng pagkakabangga ng matanda ay nagtamo ng malubhang sugat sa kaniyang ulo at katawan na naging sanhi ng kaniyang agarang pagkamatay.

Kusang sumuko naman ang suspek sa himpilan ng PNP San Manuel kung saan ay mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.

Facebook Comments