Nanawagan ang ilang residente sa Brgy. Sabangan Binmaley para sa kaukulang pang-matagalang proteksyon mula sa tubig dagat na dumidiretso na sa kakalsadahan at kabahayan kahit walang bagyo.
Sa isang anonymous facebook page, idinaan ang paghingi ng tulong dahil nasa panganib na umano na ang barangay sa simpleng hightide lamang.
Tinukoy din na post na hindi lang umano coastal erosion ang kinakaharap ng mga residente kundi isang emergency na nangangailangan ng agarang tugon.
Kinukulang na rin umano ng kagamitan ang ilang residente na gumagawa ng paraan sa paglalagay ng sandbags upang mapigilan ang daloy ng tubig sa komunidad.
Kabilang sa suhestiyong hakbang ang emergency inspection, pansamantalang proteksyon at long-term coastal protection tulad ng seawall, riprap o gabion system.
Higit pa rito, iminungkahi rin na kilalanin ang lugar bilang priority zone para sa climate-resilient planning ng mga ahensya.
Ang open letter na ibinahagi online ay daing ng mga residente bago pa umano tangayin ng dagat ang kanilang kabahayan.
Bilang pansamantalang solusyon, tulong-tulong ang mga residente sa paglalatag ng sandbags sa baybayin upang pigilan ang diretsong agos ng tubig dagat sa kanilang lugar.
Matatandaan, isa ang Brgy.Sabangan sa Binmaley na lubhang naapektuhan ng Bagyong Uwan dahilan upang personal na bisitahin ng mga opisyal ng gabinete at opisina ng pangulo ang mga apektadong residente.









