Isinusulong ni Quezon City Councilor Winston Castelo sa publiko na gamitin ang long weekends para sa isang clean-up drive sa iba’t ibang lugar sa Quezon City upang makatulong itong makaiwas sa paglitaw ng sakit na dengue sa kanilang lugar.
Ayon kay Castelo, dahil maraming holiday sa lahat ng tatlong long weekends sa Quezon City, dapat itong gamiting makabuluhan para sa paglilinis ng kapaligiran.
Kabilang sa mga tinukoy na long weekends ay ang pagdiriwang sa Eid’Ad Ha na ipinagdiriwang mula August 10 hanggang 12, Quezon City Day mula August 17 hanggang 19 at ang pagdiriwang sa National Heroes Day mula August 24 hanggang August 26.
Aniya, malaki ang maiaambag ng mga magulang sa pagpapanatili ng kalinisan sa kanilang kapaligiran at sa pagtulong sa paglilinis sa kanilang mga paaralan.
Una nang inaprubahan ng Quezon City Council ang isang resolusyon para sa pagbili ng anti-dengue machines na panlaban sa nakamamatay na sakit na dengue.