Lookout bulletin order laban kay Mayor Alice Guo, inihahanda na ng DOJ

Aasikasuhin na ng Department of Justice (DOJ) ang proseso para hindi na makalabas pa ng bansa ang kontrobersiyal na si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ay matapos pormal na ihain kanina ng Presidential Anti-Organized Crime Commission ang reklamong qualified trafficking dahil sa kaugnayan ni Guo sa iligal na POGO na Zun Yuan Technology Incorporated na sinalakay ng mga awtoridad.

Ayon kay Justice Undersecretary Nicholas Ty, aayusin na agad ang Immigration lookout bulletin order na target mailabas sa susunod na linggo.


Sa ngayon aniya ang hinihintay lamang itong mapirmahan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Sinabi pa ni Ty na kailangang bantayan ang kilos ng mga akusado dahil itinuturing silang “flight risk” o posibleng tumakas patungong ibang bansa.

Bukod kay Guo, 13 indibidwal pa ang nahaharap sa kasong qualified trafficking na walang kaakibat na piyansa.

Facebook Comments