Pinabulaanan ni Philippine National Police (PNP) Deputy Chief for Operations Police Lieutenant General Guillermo Eleazar na may naganap na shooting incident sa isang grocery store sa Las Piñas City.
Kasunod ito ng pagkalat sa social media ng isang blog na plano umanong pasukin ng mga pedicab driver ang isang grocery store, matapos silang mawalan ng kabuhayan dahil sa ipinatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay Eleazar, mas mabuting i-double-check muna ng mga netizen ang nakakalap na balita bago ito paniwalaan.
Posible kasi, aniyang, magdulot ito ng panic sa mga mamamayan at makasuhan pa ang nagpakalat ng balita.
Kasabay nito, humingi ng tulong sina House Majority Leader Martin Romualdez at Cavite Rep. Elpidio Barzaga sa media na tulungan ang publiko para mabawasan ang pagpa-panic dahil sa banta ng COVID-19
Pakiusap nina Romualdez at Barzaga, sa pamamagitan ng pag-uulat ng mga positibong balita ukol sa COVID-19, mababawasan ang negative vibes ng mga mamamayan.
Mabuti rin, aniya, ito para magkaroon ng inspirasyon ang publiko na magkaisa at makipagtulungan pa lalo sa pamahalaan para labanan ang virus.
Samantala, umapela naman ang Malakanyang sa publiko na huwag agad-agad maniniwala sa mga nababasa sa social media.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, nagdudulot lang ng alarma sa mga mamamayan ang ikinakalat na fake news.
Kaya sana ay ipagbigay alam agad ito sa mga otoridad sakali mang may maganap na krimen na kani-kanilang lugar.