Love Bus, malaki rin ang maitutulong sa sa kampanya ng turismo —DOT

Malaki ang magiging ambag ng Love Bus sa turismo ng bansa na magtatampok ng mga pangunahing destinasyon bilang bahagi ng Love The Philippines campaign ng Department of Tourism (DOT).

Pinangunahan nina DOT Secretary Christina Garcia Frasco, Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, at Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman ang paglulunsad ng bagong ruta ng Love Bus Libreng Sakay.

Magbibigay ito ng libreng sakay tuwing weekdays mula 6:00-9:00 ng umaga at 5:00-8:00 ng gabi, na makikinabang hindi lamang ang mga residente kundi pati na rin ang mga turista.

Itinatampok din sa disenyo ng mga bus ang kilalang atraksyon ng Cebu tulad ng Shrine of Lapu-Lapu at Magellan’s Cross, at sa susunod ay iba pang destinasyon sa bansa.

Ayon kay Secretary Frasco, ang proyekto ay makatutulong upang higit pang mapaunlad ang turismo at gawing mas madali at accessible ang biyahe para sa lahat.

Samantala, tatakbo ang mga bus mula Anjo World, Minglanilla hanggang SM Seaside at pabalik, bukod pa sa naunang ruta na Urgello–Parkmall.

Batay sa datos ng DOT, kabilang ang Cebu sa mga nangungunang destinasyon sa Pilipinas na dinarayo ng milyun-milyong turista bawat taon.

Facebook Comments