“Till death do us part” na pangako, aba, halika na’t isabit na rin yan ‘sa isang kandado!
Dahil gaya sa mga European countries, ang walang hanggang pagmamahalan na ipinangako sa isa’t isa ay pwede na ring i-padlock dito sa Pangasinan.
Nakatakdang magbukas sa publiko ang Love Lock Pathways sa bayan ng Pozorrubio, Pangasinan sa February 13, 2026 sa ganap na alas tres ng hapon, bisperas ng Valentine’s Day.
Ang naturang Love Lock Pathways ay pasisinayaan sa Pozorrubio – Iligan Friendship Park ng bayan at bukas ito para sa lahat ng nais isilid ang kanilang pagmamahalan sa isang love lock kasama ang pangakong magiging tapat sa isa’t isa.
Ang unang 88 na pares na magrerehistro sa kanilang official link ay mabibigyan ng libreng padlock kaya naman inaanyayahan na ang mga mag-asawa, mag partner, at mag jowa na makiisa sa kauna-unahang Love Lock Pathways sa bayan ng Pozorrubio.
Ang proyektong ito ng LGU Pozorrubio ay kabilang rin sa kanilang selebrasyon ng National Arts Month ngayong Pebrero na nakasentro sa paglinang sa pagkamalikhain at pagmamahalan, hindi lamang sa isa’t isa kundi lalo na sa buong komunidad.










