Walang nakikitang problema ang isang infectious disease expert sa pagluluwag ng Alert Level System sa bansa.
Ito ay kahit natukoy ang bagong variant ng COVID-19 sa South Africa at nakarating na sa Hong Kong.
Ayon kay Dr. Edsel Salvana, miyembro ng DOH-Technical Advisory Group, kailangan lamang mapanatiling mababa ang transmission at aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa.
Aniya, ang pagtatakda ng Alert Level System ay nakabase sa ipinakikitang antas ng hawaan sa mga komunidad.
Paliwanag pa ni Salvana, kailangan lamang maipatupad ang Prevent, Detect, Isolate, Treatment, Reintegration (PDITR) at palakasin ang healthcare capacity.
Dapat nating iwasan ang paggaya sa Europe na nagkakaroon muli ng surge ng COVID-19 dahil isinantabi ng mga ito ang paggamit ng face mask.
“Well, iyong alert levels naman po natin nakapako naman iyan sa ongoing community transmission. So, kung mababa ang transmission at tuluy-tuloy nga iyong paggamit ng PDITR, I don’t see any problems naman as long as our healthcare capacity remains manageable.
Sa ngayon, about 24% lang ang hospital beds na occupied but at the same time it’s no reason to be complacent. Nakita naman natin na like sa Europe ngayon tumataas dahil masyado silang nagluwag dahil mababa iyong cases initially at mataas na iyong vaccination.” ani Salvana