Manila, Philippines – Dumipensa si Ifugao Rep. Teddy Baguilat sa batikos na inani ng Liberal Party kasunod ng consensus na huwag suportahan ang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte at maging ang ikinakasa laban kay Vice Presidente Leni Robredo.
Paliwanag ni Baguilat ang nabuong desisyon ng labing lima sa tatlumput apat na LP congressmen ay base sa kanilang conviction o paninindigan.
Ito aniya ay taliwas sa patutsada ni House Deputy Minority Leader at ABS Partylist Rep. Eugene Michael De Vera na playing safe dito ang LP at maagang pagpapakita ng pagsuko.
Giit ni Baguilat, dumaan ito sa masusing diskusyon at debate ng mga miyembro ng Liberal Party.
Aminado si Baguilat na salungat siya sa posisyon na huwag suportahan ang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte pero rerespetuhin niya ito dahil idinaan ito sa tamang proseso ng kanilang partido.
Pinasaringan ni Baguilat ang minorya na pinamumunuan ni Quezon Rep. Danilo Suarez dahil nananahimik ito sa isyu ng impeachment na nagpapakita lamang umano na wala itong paninindigan at pinatunayan ang pagiging coopted minority na sunud-sunuran sa dikta ng administrasyon.