Inihayag ngayon ni Liberal Party (LP) President Francis “Kiko” Pangilinan na nagsisikap ang partido na bumuo ng malaking koalisyon para sa 2022 elections.
Ayon kay Pangilinan, ilan sa mga kinakausap ng LP para maging kabahagi ng binubuong koalisyon sina Senators Panfilo “Ping” Lacson, Nancy Binay at Joel Villanueva, gayundin si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.
Diin ni Pangilinan, kung ang nabanggit na mga personalidad ay magkakaisa, sa pamumuno ni Vice President Leni Robredo ay tiyak mas magiging maganda ang direksyon ng ating bansa.
Dagdag pa ni Pangilinan, bukas din ang LP slate para sa 2022 elections kina Atty. Chel Diokno at iba pang mga kandidato noon ng Otso Diretso.
Sabi ni Pangilinan, hinahanapan ng LP ng paraan na magkaisa ang oposisyon at ang lahat ng nais magkaroon ng pagbabago sila man ay nasa oposisyon o hindi.
Paliwanag ni Pangilinan, kailangan natin ng pagkakaisa para mahanapan ng solusyon ang mga problemang kinakaharap ng ating bansa ngayon dahil dito nakasasalay ang kinabukasan ng ating mga anak.