Manila, Philippines – Tinitiyak ng ilang mga myembro ng Liberal Party sa Kamara na kanilang irerespeto ang proseso ng Sandiganbayan sa kasong kinakaharap ng dating Pangulong Noynoy Aquino.
Si P-Noy ay sinampahan ng Ombudsman ng kaso sa Sandiganbayan ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at paglabag sa Article 177 o Usurpation of Official Functions kaugnay sa madugong Mamasapano Incident na ikinasawi ng SAF 44.
Ayon kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, igagalang nila ang proseso ng korte at tiwala silang kayang depensahan ng dating Presidente ang kanyang sarili.
Handa aniya si P-Noy na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya at kampanteng maabswelto sa huli.
Dagdag pa ni Baguilat na nasa likod lamang ng dating Pangulo ang buong LP kung kakailanganin niya at sila ay sumusuporta sa hakbang nito na walang nilalabag sa batas si Pnoy nang ilunsad ang Oplan Exodus sa Mamasapano, Maguindanao.