Dumagdag na rin ang mga Liberal Party (LP) Congressmen sa Kamara sa mga mambabatas na patuloy na humihimok sa Commission on Elections (Comelec) na palawigin ang voters’ registration kaugnay sa 2022 national elections.
Sa House Resolution 2139 na inihain ng labinlima (15) LP congressmen, humihirit sila sa Comelec na i-extend ang voters’ registration hanggang sa Oct. 31, 2021, mula sa orihinal na deadline na Sept. 30, 2021.
Layunin ng voters’ registration extension na maiwasan ang malawakang “voter disenfranchisement” dahil sa COVID-19 pandemic.
Tiwala rin ang mga mambabatas na ang isang buwang extension ng voter registration ay hindi makakaapekto sa paghahanda ng Comelec para sa paparating na halalan.
Umaasa ang mga LP solon na ikokonsidera ng Comelec ang serye ng mga lockdown sa bansa mula noong March 2020 dahil sa pandemya.