LP wala pang posisyon sa impeachment complaint laban kay P-Duterte

Manila, Philippines – Sinopla ni Albay Rep. Edcel Lagman ang kasamahan sa Liberal Party na si Marikina Rep. Miro Quimbo matapos nitong ideklara na hindi umano susuportahan ng LP ang impeachment complaint laban kay Pangulong Duterte.
 
Taliwas kay Quimbo, naniniwala si Lagman na sufficient in form at sufficient in substance ang impeachment complaint na inihain ni Magdalo Rep. Gary Alejano laban kay Duterte.
 
Ayon kay Lagman, walang basehan ang sinabi ni Quimbo dahil hindi pa naman nagpupulong ang LP sa magiging posisyon sa reklamo laban sa Presidente.
 
Paglilinaw pa ni Lagman, ni hindi pa nakukunsulta ni Quimbo ang mga kasamahang kongresista mula sa oposisyon ng grupong Magnificent 7 ni Lagman.
 
Iginiit pa ni Lagman na hindi ito dapat balewalain at kailangang idaan sa masusing pagdinig ng House Justice Committee.
 
Hayaan aniyang magpresenta si Alejano ng mga saksi at dokumento na susuporta para sa impeachment complaint nito.


Facebook Comments