Tatlong weather system ang magdadala ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong araw.
Sa abiso ng PAGASA, maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorm ang iiral sa Bicol Region, Eastern Visayas, Northern Mindanao, Caraga, Davao Region, Quezon, Marinduque at Romblon bunsod ng shear line at trough ng low pressure area.
Northeast monsoon o Amihan naman ang magpapa-ulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region at Aurora.
Habang bahagyang maulap at paminsan-minsang mas maulap na papawirin na may mahinang pag-ulan ang mararanasan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon bunsod pa rin ng Amihan.
Asahan din ang maulap na papawirin na may kasamang isolated rain showers o thunderstorms sa nalalabing bahagi ng bansa dahil sa localized thunderstorms.
Nagbabala naman ang PAGASA ng posibleng pagbaha o pagguho ng lupa sa tuwing may kalakasan ang pag-ulan.