LPA na nasa loob ng PAR, posibleng maging bagyo – PAGASA

Posibleng maging bagyo ang binabantayan ngayong Low Pressure Area (LPA) sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.

Sa public weather forecast ngayong hapon, sinabi ni PAGASA weather specialist Veronica Torres, kaninang alas-tres ng hapon, ay huling namataan ang LPA sa layong 850 kilometers Silangan-Hilangang Silangan ng Extreme Northen Luzon.

Paliwanag ni Torres, dahil nasa karagatan ang LPA ay hindi nila tinatanggal ang posibilidad na ito ay maging isang bagyo.


Pero sa ngayon ay wala aniyang direktang epekto sa kahit anumang bahagi ng bansa ang naturang sama ng panahon.

Patuloy namang inaasahan na magdadala ng maulap na papawirin at mga kalat-kalat na pag-ulan sa Ilocos Region, Benguet, Zambales, at Bataan ang Southwest Monsoon o Habagat.

Asahan naman ang bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin at may tsansa ng mga localized thunderstorm lalo na tuwing hapon at gabi sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.

Samantala, bukas, August 12, sinabi ng PAGASA na inaasahan pa rin na makararanas ng pag-ulan sa western section ng Northern Luzon dahil sa habagat.

Facebook Comments