Naging ganap nang bagyo ang Low Pressure Area (LPA) na binabantayan sa Philippine Sea.
Ang Tropical Depression ‘Dindo’ ay huling namataan sa layong 800 kilometro, silangan ng Tuguegarao City, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hanging aabot sa 45 kilometers per hour at pagbugsong nasa 55 km/h.
Kumikilos ang bagyo pahilaga – hilagang kanluran sa bilis na 15 km/h.
Ayon kay DOST-PAGASA Weather Specialist Samuel Duran, mayroon ding isang Tropical Depression na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) na patungo na ng Hainan, China.
Ang dalawang bagyo ay hinahatak ang southwest monsoon o hanging habagat na nagpapaulan sa halos buong bansa.
Asahan na ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Luzon, Western Visayas at sa Zamboanga Peninsula.
Ipinagbabawal ang paglalayag sa mga mayroong maliliit na sasakyang pandagat sa hilaga at kanlurang baybayin ng Luzon dahil umaabot ng hanggang halos limang metro ang taas ng alon.
Inaasahang lalabas ng PAR ang Bagyong Dindo sa Martes, August 4.