Umaapela ngayon sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang League of Provinces of the Philippines (LPP) na ipagpaliban sa November 1 ang pagpapalawig ng Alert Level System sa labas ng Metro Manila.
Matatandaang epektibo na rin ngayong araw ang pagpapairal ng Alert Level System sa ilang mga probinsya na tatagal hanggang sa October 31.
Ayon kay LPP President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., kailangan ng mga lokal na pamahalaan ng panahon para pag-aralan ang mga guidelines at ipaalam ito sa kanilang mga residente.
“We need more time, para makagawa kami ng executive order, more importantly po, yung pagpapaliwanag at pagpapasabi ng impormasyon dito po sa mga constituents namin kasi hindi naman po lahat ng probinsya ay napakaganda po ng mean ng communication,” ani Velasco.
“Kasi bago ang sistema e, lalo na yung mag-i-implement dapat alam nila pano i-implement.”
Aniya, mahalagang maipaliwanag nang mabuti ang mga patakaran sa ilalim ng Alert Level System dahil maaapektuhan nito ang galaw at kabuhayan ng mga tao.
Gayunman, aminado si Velasco na hindi nila pwedeng baliin ang resolusyon ng IATF.