LPP, nanawagan ng dagdag na suplay ng mga bakuna sa mga probinsya

Kasunod ng pagbaba ng kaso ng COVID-19 partikular na sa Metro Manila, umaapela ngayon ng dagdag na vaccine supply ang mga lokal na pamahalaan sa probinsya.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni League of Provinces of the Philippines (LPP) President Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr., na dahil mataas na ang vaccine coverage sa National Capital Region (NCR), panahon na upang ibuhos ang mga bakuna sa mga lalawigan.

Ayon kay Gov. Velasco, may mga lokal na pamahalaan kasi na nasa 20-30% pa lamang ang kanilang nababakunahan kung kaya’t nais nila itong madagdagan upang makamit din ang population protection.


Aniya, nakausap na nila si National Task force (NTF) Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez at Health Secretary Francisco Duque III at naiparating ang kanilang hinanaing.

Positibo naman ani Velasco ang tugon dito nina Galvez at Duque.

Sa pinakahuling report, sa Metro Manila ay nasa 81.40% ng target population sa rehiyon ang fully vaccinated o katumbas ng 7.9 million na mga Pilipino.

Facebook Comments