LPP sa pag-reject ni Duterte sa nationwide MGCQ: “Tama at pinakaligtas pero ekonomiya, baka bagsak na bago pa dumating ang mga bakuna”

Pinakaligtas pero masyadong maingat.

Ganito inilarawan ng League of Provinces of the Philippines (LPP) ang naging pagbasura ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panukalang nationwide Modified General Community Quarantine (MGCQ) pagsapit ng Marso.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni LPP President at Marinduque Governor Presbitero Velasco Jr. na tama ang desisyon ng pangulo na huwag munang payagan ang MGCQ.


Gayunman, malaking problema aniya ang pagdating ng mga bakuna sa harap na rin ng nararanasang global shortage.

Giit ni Velasco, kung hihintayin pa ang bakuna bago luwagan ang quarantine restrictions ay posibleng bagsak na bagsak na ang ekonomiya ng bansa.

“Yan ang talagang tamang-tamang desisyon kaya lang very super cautious at kung iisipin po natin ang ekonomiya e baka hindi na po tayo makabangon kung hihintayin pa nating mabakunahan lahat yung 70% yung tina-target nila na herd immunity. Makikita naman po natin yung hirap ng pagkuha ng supply natin so ang agam-agam po natin d’yan e baka bagsak na bagsak na po yung ekonomiya natin,” paliwanag ni Velasco.

Kung si velasco ang tatanungin, sang-ayon siyang ilagay na sa MGCQ ang buong bansa lalo’t konti lang naman aniya ang deperensya ng mga panuntunan nito sa GCQ.

Pero hiling niya, bigyan ng kapangyarihan ang mga local government unit (LGU) na magpatupad agad ng lockdown kung kakailanganin nang hindi na hihintayin pa ang approval ng Regional Task Force (RTF) o ng Inter-Agency Task Force (IATF).

Samantala, iminungkahi ng LPP na payagan ang face-to-face classes sa mga kolehiyo at unibersidad basta’t aprubado ng mga LGU.

“Sa face-to-face po, yung mga kabataan na below 15, yan talagang bawal sa akin, kasi mga batang ganyan hindi pa natin masaway yan e, malilikot yung iba e. Pero yung 15 pataas, yung mga Higher Education Institutes, actually ina-allow yan e, limited nga lang. Basta ho, aprubahan ng LGU, alam po nila yang ginagawa… kasi kapag pumalpak sila dyan, sila ho ang mananagot sa kanilang constituents,” dagdag niya.

Matatandaang hindi rin pinayagan ng pangulo ang implementasyon ng face-to-face classes hangga’t walang bakuna.

Facebook Comments