Nanawagan ang League of Provinces of the Philippines (LPP) sa mga kaukulang ahensya ng gobyerno na mag-abiso muna sa mga local official sa mga probinsya hinggil sa pagdating ng mga repatriated Overseas Filipino Worker (OFW) na nakatapos na sa kanilang 14-day mandatory quarantine sa Metro Manila.
Ayon kay LPP President at Marinduque Governor Presbitero Velasco, malaki ang problema nila sa biglaang pagdating ng mga OFWs sa kanilang hurisdiksyon na wala man lang koordinasyon sa kanilang local officials.
Dahil dito aniya ay hindi nila napaghahandaan ang pagsundo, pagpapakain at pagde-deploy ng mga medical staff.
Para kay Velasco, dapat na mag-abiso ang mga ahensya ng gobyerno dalawa hanggang tatlong araw bago ang scheduled arrival ng mga OFW.
Matatandaang iminungkahi rin ng LPP ang muling pagsasailalim sa quarantine at COVID-19 test ng mga OFWs oras na makarating sila sa kanilang mga probinsya.