LRT 1 at 2, hindi magtataas ng pamasahe – LRTA

Wala pa munang mangyayaring pagtataas sa pamasahe sa Manila Light Rail Transit System o LRT-1 at LRT-2.

Sa isang press briefing, nilinaw ni Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Hernando Cabrera na walang mangyayaring fare increase bukas, sa susunod na linggo o sa susunod na buwan.

Ani Cabrera, kinakailangan dumaan ito sa masusing pag-aaral dahil sa halip na makabuti ay makasama pa ito gaya ng posibleng ‘di na pagtangkilik ng mga mananakay sa LRT.


Bago aniya makapagpatupad nito ay mahabang proseso pa ang pagdadaanan tulad ng pagkakaroon ng public hearing.

Maugong na may rekomendasyon na magpatupad ng dagdag na limang piso sa boarding fare at karagdagang .50 sentimo sa kada kilometro.

Ibig sabihin, kung maaprubahan ay magiging ₱16 na ang boarding fare at magiging ₱1.50 naman sa susunod na kilometro.

Taong 2015 pa nang huling magtaas ng pamasahe ang LRT.

Sa ngayon, patuloy ang ang subsidiya ng gobyerno sa pasahe sa railway system.

Ani Cabrera, nasa ₱100 ang pinagkakaloob na subsidiya ng pamahalaan sa kada pasahero tuwing sumasakay sa magkabilang dulo ng LRT mula Recto hanggang Antipolo.

Facebook Comments