Tuloy na tuloy na ang pagbubukas ng dalawang big-ticket projects sa sektor ng daang-bakal ngayong taon.
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, ang East Extension Project ng Light Rail Transit (LRT) Line 2 at ang Common Station ay malapit nang matapos.
Ang inagurasyon ng LRT-2 extension ay gaganapin sa Hunyo kung saan dalawang istasyon ang madadagdag sa kasalukuyang linya: ang Marikina at Antipolo Stations.
Ang biyahe mula Recto, Maynila hanggang Masinag, Antipolo ay inaasahang magiging 40-minuto na lamang kumpara sa tatlong oras na biyahe kung jeep o bus ang sasakyan.
Matapos namang maantala ng siyam na taon, magiging partially operable na ang Unified Grand Central Station sa fourth quarter ng 2021.
Ikokonekta nito ang apat na linya ng tren: ang LRT-1, MRT-3, MRT-7, at ang Metro Manila Subway.
Nitong 2020, ang DOTr ay naggawad ng 34 na railway contracts – malaki kumpara sa siyam na railway contracts noong 2016.