Aarangkada na muli sa Hunyo 1 sa limitadong kapasidad ang rail transit systems kasabay ng pagpapatupad ng General Community Quarantine sa Metro Manila.
Sa Televised Briefing, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade, ang Light Rail Transit (LRT) at Metro Rail Transit (MRT) ay magsasakay lamang ng 10 hanggang 12-porsyento ng kanilang kapasidad.
Ang Philippine National Railways (PNR) ay bibiyahe na mayroon lamang 35% passenger capacity.
Sinabi ni Tugade na mahigpit na ipapatupad ang physical distancing at iba pang health safety measures sa loob ng mga istasyon at sa mga tren.
Dagdag pa ng kalihim, na dahan-dahan at kalkulado ang pagbabalik ng operasyon.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Tugade na magpapatupad sila ng bus augmentation system para suportahan ang limitadong kapasidad sa mga tren.
Bukod sa EDSA, ipapatupad na rin ang Bicycle Lanes sa iba pang bahagi ng bansa.