LRTA, inaalam na kung paano nakapasok sa riles ng LRT-2 ang isang taong grasa

Iniimbestigahan na ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) kung paano nakapasok ang isang taong grasa na nasa ‘viaduct’ ng linya ng tren sa pagitan ng Pureza at Legarda station.

Unang nakita ang nasabing taong grasa ng alas-3:30 ng madaling araw ng mga tauhan ng LRTA ng magsagawa sila ng inspeksyon habang las-4:20 ng umaga ng makita ito muli na nasa viaduct o poste ng LRT-2 sa pababang bahagi ng Legarda flyover.

Dito na nagsagawa ng rescue operations ang LRTA, katuwang ang Manila local government unit at Bureau of Fire Protection (BFP) saka ligtas na nakuha ang taong grasa.


Ayon kay LRTA Administrator Atty. Hernando Cabrera, ikinuwento ng guwardiya ng LRTA na bumaba umano sa riles ang taong grasa mula sa Nagtahan flyover.

May kataasan ang lugar kaya’t tinitingnan pa ng LRTA kung paano ito nagawa ng lalaki.

Dahil sa insidente, ilang pasahero ng LRT-2 ang na-stranded dahil sa pansamantalang nagpapatupad ng provisionary service mula Antipolo Station hanggang V. Mapa Station at pabalik kung saan inabot ng ilang oras bago naibalik sa normal ang operasyon nito.

Facebook Comments