Dalawang linggong suspendido ang pagbiyahe ng mga Locally Stranded Individuals (LSI) sa Region VI at VIII simula ngayong araw.
Ito ay para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa Eastern at Western Visayas.
Kabilang sa mga sinuspinde ay ang biyahe papuntang Negros Occidental at Iloilo dahil naroon ang mga pangunahing pantalan kung saan bumababa ang mga LSI.
Sinuspinde rin ang biyahe papunta sa buong Region 8 dahil gumagamit din sila ng land transportation bukod sa biyahe ng mga barko at eroplano.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, kailangan nilang suspendihin ang pagpapauwi sa mga LSI dahil ang pag-uwi nila ang nagdulot ng pagkalat ng virus sa mga probinsya dahilan kaya nakiusap ang mga lokal na pamahalaan na suspindehin muna ang pagpasok ng mga LSI.
Kaugnay nito, hinimok ni Lorenzana ang mga LSI na huwag na munang magtungo sa mga pantalan at paliparan habang humahanap sila ng panibagong panuntunan para maiwasan ang pagkalat ng virus.
Una nang sinabi ni Ormoc City Mayor Richard Gomez na ang patuloy na ang pagdating ng mga LSI ang dahilan ng pagkalat ng virus sa mga dating COVID-free areas.