Pormal nang umupo bilang ika-55 na Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff si Philippine Army Commanding General Lt. Gen. Cirilito Sobejana ngayong araw kapalit ni outgoing AFP Chief Gen. Gilbert Gapay na magreretiro na sa serbisyo.
Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Change of Command at Retirement Ceremony sa Camp Aguinaldo.
Bago magpalit ng pwesto, ginawaran muna ng plaque of honorable service at medalya si Gapay dahil sa kontribusyon nito sa AFP at kinilala ang kanyang mga nagawa sa AFP.
Sa assumption speech naman ni Lt. Gen. Sobejana, tiniyak nito ang pagiging “in control” ng AFP sa lahat ng hamon na haharapin.
Siniguro niya rin na susunod ang AFP sa humanitarian law kasabay ng pagtupad ng tungkulin para protektahan ang bansa.
Nagpasalamat din siya kay Pangulong Duterte sa tiwala na pinagkaloob sa kanya maging sa mga opisyal ng militar na nakasama sa serbisyo.
Si Lt. Gen. Sobejana ay itinuturing na isang “buhay na bayani” bilang isa sa mga ginawaran ng pinakamataas na parangal ng militar na “medal of valor”.
Pero para sa kanya, ang totoong valor ay ang mga taong hindi sumusuko sa anumang pagsubok ng buhay.
Si Sobejana ay nakilala sa pagiging beterano sa bakbakan lalo na sa 1995 Basilan encounter sa mga Abu Sayyaf.
Siya ay miyembro ng Philippine Military Academy “Hinirang” Class of 1987.
Bago napiling AFP Chief, naging pinuno siya ng Philippine Army at Commander ng Western Mindanao Command.