Lt. Gen. Dionardo Carlos, pormal nang nanungkulan bilang ika-27 pinuno ng PNP

Pormal nang nanungkulan bilang ika-27 Philippine National Police (PNP) Chief si PLt. Gen. Dionardo Carlos.

Pinalitan ni Lt. Gen. Carlos si dating PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar na bumaba sa pwesto isang araw bago ang kanyang pagreretiro sa serbisyo bukas.

Sa kanyang inaugural speech, pinasalamatan ni Carlos si Pangulong Rodrigo Duterte.


Aniya, itutuloy niya ang Intensified Cleanliness Policy na sinimulan ni Eleazar at ang fiscal transparency na ipinatupad nina dating PNP Chief PGen. Archie Gamboa at PGen. Debold Sinas.

Ngayon aniyang mababa na ang crime rate, titiyakin niya na hindi na makakabalik sa kanilang dating gawain ang mga masasamang loob.

Sa pamamagitan aniya ito ng pinalakas na kampanya kontra sa kriminalidad at Oplan Double Barel Finale “Version 2021” laban sa ilegal na droga.

Hinikayat naman ni Carlos ang lahat ng mga pulis na samahan at tulungan siya sa paglilingkod sa bayan at patunayan sa mga Pilipino na nanatili ang PNP sa paghahatid ng pinakamahusay na serbisyo sa bayan.

Facebook Comments