Mula rin sa Davao ang pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte na susunod na bagong pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Si Eastern Mindanao Command, Lt/Gen. Felimon Santos Jr. ang papalit kay outgoing AFP Chief of Staff, Gen. Noel Clement na magreretiro bukas.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, si Santos ang ikatlong taga-Davao ang itinalaga ni Pangulong Duterte bilang AFP Chief of Staff kasunod nina Rey Guerrero at Benjamin Magdrigal.
Nag-iwan din ng bilin ang Pangulo kay Santos na manatiling tapat sa kanyang tungkulin.
Sinabi ni Santos, pinatututukan sa kanya ni Pangulong Duterte ang problema sa npa at terorismo.
Aminado rin siya na hindi sapat ang pitong buwan para matupad ang utos ng Pangulo na tapusin ang rebelyon at terorismo.
Pero umaasa siya na ang kanyang liderato ay mag-iiwan ng malaking ambag sa pagsisikap na mapanatili ang kaayusan sa bansa.
Si Santos ay bahagi ng Philippine Military Academy (PMA) Sinagtala Class of 1986 na kinabibilangan din nina Sen. Ronald Dela Rosa at dating PNP Chief Oscar Albayalde.