LTFRB, bantay-sarado na ang mga kolorum na bus na posibleng bumiyahe simula ngayong araw

Nagpakalat na ng mga tauhan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga terminal ng bus para matiyak na hindi colorum ang bibiyaheng bus o ang mga may hawak na special permit sa rutang pupuntahan.

Epektibo na kasi ngayong araw, December 20, ang mga special permit na inisyu ng LTFRB pauwi sa iba’t ibang probinsya sa bansa para sa inaasahang dagsa ng pasahero ngayong Pasko.

Ayon kay LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, may nakatalaga rin silang mga tao sa terminal na mag-iisyu ng dagdag na special permit on the spot, sakaling kulangin ang mga express bus at kinailangang magdagdag pa ng bibiyahe para ma-accommodate ang marami pang pasahero.


Iniinspeksyon din aniya ang kondisyon ng mga bus at mga driver bago bumiyahe ang mga ito para masiguro ang kaligtasan ng mga pasahero.

Magtatagal ang bisa ng special permits hanggang January 5, 2025 para matiyak na makababalik sa kani-kanilang mga pinanggalingan ang mga pasahero.

Facebook Comments