LTFRB, binuksan ang karagdagang ruta ng traditional jeepneys at UV express sa NCR

Binuksan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang karagdagang ruta para sa traditional jeepneys at UV Express units sa Metro Manila simula ngayong araw kasabay ng pagbabalik ng capital region at iba pang lalawigan sa General Community Quarantine (GCQ).

Para sa Public Utility Jeepneys (PUJs), sinabi ng LTFRB na papayagan nilang bumiyahe muli ang karagdagang 4,498 units sa 60 ruta.

Nasa 2,203 PUJs sa 34 na ruta ang maaaring pumasada simula ngayong araw habang ang natitirang 2,295 units sa 26 na ruta ay papayagan bukas, August 20.


Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Martin Delgra III, dagdag ito sa 7,945 authorized units sa 63 ruta na unang pinayagang bumiyahe bago ibinalik sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila noong August 4.

Sa kabuuan, aabot sa 12,443 units ang makakabiyahe na sa 126 na ruta.

Nasa 1,621 units ng UV Express ang pinayagang bumiyahe sa 51 ruta.

Bukod dito, makakabiyahe na rin ang nasa 3,662 Public Utility Buses sa 31 ruta, 362 P2P buses sa 33 ruta, 20,493 taxis, 23,775 transport network vehicle service units; 716 modern PUJs sa 45 ruta.

Magbubukas ang LTFRB ng mga bagong ruta bawat linggo.

Nagpaalala ang LTFRB sa mga commuter na sundin ang health protocols.

Mahigpit na ipapatupad ang “No Face Mask, No Face Shield-No Ride” polic sa lahat ng uri ng pampublikong transportasyon alinsunod sa mandato ng Department of Transportation (DOTr).

Samantala, magbabalik operasyon na rin simula ngayong araw ang mga tren ng LRT-1, MRT-2, MRT-3, at Philippine National Railways (PNR).

Facebook Comments