
Handang harapin ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II ang reklamong isinampa laban sa kanya sa Office of the Ombudsman.
Sa isang statement, sinabi ni Mendoza, dahil sa mga agresibong reporma para sa mas mabilis at kumportableng serbisyo noong siya pa ang pinuno ng Land Transportation Office o LTO, tinamaan ang interes ng ilang mga grupo.
Ayon pa kay Mendoza, ang mga ito ay maaaring hindi pa maka-move on.
Sinabi ni Mendoza na ginagalang at “welcome” naman sa kanya ang desisyon ng tinawag niyang “self-proclaimed transport group” na iaakyat sa Ombudsman ang umano’y luma at “recycled” na isyu.
Ngunit ang malinaw rito, ani Mendoza, hindi ito tungkol sa accountability kundi para gumanti.
Kanina, naghain ng reklamong katiwaliaan ang grupong Federated Land Transport Organization of the Philippines o FELTOP laban kay Mendoza, kaugnay ng umano’y pagpabor sa isang kumpanya noong siya pa ang pinuno ng LTO.
Hiniling din ng grupo sa Ombudsman na patawan ng preventive suspension si Mendoza.










