Dapat umanong managot ang opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na nagpagulo sa motorcycle for hire industry.
Ito ang pahayag ni dating Congressman at ngayon ay QC Councilor Winston Castelo, na siyang namuno noon sa House Committee on Metro Manila Development na nagsusulong sa paggamit sa motorsiklo bilang bagong alternatibong trasportasyon sa bansa.
Sa kanyang official statement na inilabas ngayong araw ng pasko, hinamon ni Castelo ang LTFRB na pangalanan ang isa nitong opisyal na aniya ay sangkot sa paglalabas ng kontrobersyal na guidelines na naglilimita sa 10-libong driver partners lamang ang dapat mamasada bilang motor taxi kada isang ride-hailing service gaya ng Angkas.
Aniya, hindi maitatago ang bahid ng kurapsyon sa nabanggit na guidelines na inilabas ng regulatory agency nang walang public consultation.
Inilagay din aniya ng LTFRB sa kawalan ng trabaho ang 17-libong angkas drivers na nagbibigay-solusyon sa problemang dulot ng matinding trapik sa Metro Manila.
Una nang tinawag ng inter-agency technical working group na nambu-bully na ang Angkas dahil sa umano’y pagpapakita ng pagka-arogante gayong pag-aaral pa lamang ang ginagawa ng gubyerno kung ligtas at tuluyan nang papayagang gamitin bilang taxi ang isang motorsiklo.