LTFRB, hinikayat ang mga jeepney driver na magparehistro sa service contracting program

Hinikayat ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga jeepney driver na pinapayagan nang bumiyahe sa Metro Manila na magparehistro sa service contracting program.

Ang LTFRB ay magsasagawa ng mass general registration at orientation activity para sa mga traditional public utility jeepneys (TPUJs) drivers simula ngayong araw, June 2 hanggang June 4, 2021 sa Quezon City Memorial Circle.

Ang event ay magsisimula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.


Bukas ang general registration sa lahat ng jeepney drivers na bumibiyahe sa mga rutang pinayagan ngayong COVID-19 pandemic.

Ang mga tsuper ay kailangang magpasa ng photocopy ng kanilang professional driver’s license na may tatlong pirma, certificate na pinirmahan ng operator kung saan binibigyan ng authorization ang driver sa unit, isang valid ID, photocopy ng OR/CR ng jeepney unit, isang printed copy ng screenshot ng GCash account ng driver, at photocopy ng Certificate of Public Convenience.

Kung naibenta na ang jeepney unit, ang driver ay dapat magpakita ng photocopy ng notarized deed of sale kung saan ipinapakita ang second owner ng unit.

Ang mga deed of sale na may petsang August 2016 onwards ay hindi tatanggapin.

Sa ilalim ng service contracting program, ang mga driver ay makakatanggap ng payout mula sa pamahalaan batay sa bilang ng kilometrong kanilang ibiniyahe.

Facebook Comments