Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga lokal na pamahalaan para hilinging buksan ang kanilang borders para sa provincial buses upang makabalik sila ng operasyon at tumanggap ng pasahero kasabay ng muling pagbubukas ng ekonomiya.
Matatandaang pinahintulutan na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagbabalik-biyahe ng provincial buses sa ilalim ng point-to-point basis.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni LTFRB Chairperson Martin Delgra III, marami nang rutang binuksan mula nitong September 30 at inaasahang mas marami pang ruta ang bubuksan.
Ayon pa kay Delgra, malaki ang papel ng mga lokal na opisyal sa pagtukoy ng mga rutang bubuksan sa kanilang nasasakupan dahil sila ang nakakaalam ng pandemic situation sa kanilang lugar.
Dagdag pa ni Delgra, may ilan pa ring lokal na pamahalaan ang nag-iingat sa pagbubukas ng kanilang borders para sa mga provincial buses na nanggagaling sa Metro Manila.
Sa kabuuan, nasa 1,372 authorized provincial bus units ang pinayagang bumiyahe sa 41 rutang aprubado ng IATF.