Inaasahang ilalabas na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa susunod na mga araw ang resolusyon nito sa petisyon na itaas ang pamasahe sa mga Public Utility Jeepney (PUJ).
Ayon kay LTFRB Chairman Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, hinihintay na lang nila ang position paper ng PUJ groups upang masimulan nang mapagdesisyunan ang kanilang petisyon.
Mayroon pang hanggang Setyembre 3, ang transport groups para magpasa ng position paper.
Natanggap na rin ng LTFRB ang posisyon ng National Economic Development Authority (NEDA) kaugnay sa hiling na taas-pasahe.
Inihihirit ng grupo ng mga PUJ operators ang mula ₱5 hanggang ₱6 na taas-singil sa pamasahe kabilang ito sa pitong petisyon na inihain ng transport groups simula noong nakaraang taon.
Masusing tinitingnan ng LTFRB ang magiging epekto ng taas-pasahe sa ekonomiya at sa purchasing power ng mga pasahero sa oras na madagdagan ang minimum fare sa PUJ.
Siniguro naman ng LTFRB chairman na patuloy ang LTFRB sa pag-aaral at paggawa ng mga hakbang upang mapabuti ang kalagayan ng nasa sektor ng transportasyon.