Inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang pag-operate ng karagdagang 1,333 traditional Public Utility Jeepneys (PUJs) sa 23 ruta sa Metro Manila, simula sa Miyerkules, August 26, 2020.
Base sa Memorandum Circular (MC) 2020-040, maaaring bumiyahe ang mga traditional PUJs sa mga rutang nakasaad sa MC nang walang special permit.
Kapalit naman ng special permit ay ang QR code na ibibigay sa bawat operator bago pumasada.
Ang QR code ay dapat naka-print sa short bond paper at naka-display sa PUJ unit.
Maaari itong i-download mula sa website ng LTFRB (www.ltfrb.gov.ph) simula bukas ng hapon, August 25, 2020.
Pinapaalala naman ng ahensya na walang taas-pasahe na ipapatupad maliban na lang kung may iaanunsyo ang LTFRB.
Sa ngayon, nasa ₱9.00 ang unang apat (4) na kilometro at ₱1.50 sa mga susunod na kilometro ang pasahe sa traditional PUJ.
Bukod pa sa mga ito, kinakailangan na naka-register sa Land Transportation Office (LTO) ang PUJ unit bilang roadworthy o akma sa pagbiyahe sa kalsada, at mayroong valid Personal Passenger Insurance Policy.
Kabilang din sa mga requirements para mag-operate ang Traditional PUJs ay ang pagsunod sa safety measures alinsunod sa mga alintuntunin ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) tulad ng pagsuri sa body temperature, pagsusuot ng face mask/shield at gloves sa lahat ng oras, at ang pag-operate ng 50% maximum passenger capacity ng PUJ.