Inulan ng reklamo ang tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) matapos na hindi makakubra ng Social Amelioration Cash fund ang ilang drayber.
Magkaiba umano kasi ang license number na isinumite sa Land Bank of the Philippines.
Ayon kay Mang Rodito Atibagos, taxi driver ng kompanyang TankTan, marami sa kanila ang hindi makakuha ng Social Amelioration Program ng LTFRB at Department of Social Welfare and Development (DSWD) dahil sa magkaibang record na isinumite sa banko.
Tatlumpu’t-anim na taon ng tsuper ng taxi si Mang Rodito at naudlot lamang ang kanyang hanapbuhay mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) dahil sa COVID-19 pandemic.
Nagtungo siya kahapon sa Land Bank of the Philippines at naroon naman sa listahan ang kanyang pangalan subalit hindi niya nakuha ang perang tulong ng pamahalaan dahil magkaiba ang numero ng lisensya niya sa dokumentong isinumite ng LTFRB sa banko.
Ganito din ang sentimyento ng iba niya pang kasamahan kung kaya’t napilitan silang sumugod sa LTFRB subalit wala namang humarap sa kanila dahil skeletal work force lamang ang ipinatutupad ng ahensya.