Ipinapanukala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Department of Transportation (DOTr) na i-waive ang ilang regulatory fees na ipinapataw sa Public Utility Vehicle (PUV) operators.
Ito ang tugon ng LTFRB sa hiling ni Provincial Bus Operations Association of the Philippines Director Alex Yague.
Ayon kay LTFRB Chairperson Martin Delgra III, may probisyon sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One o Bayanihan 2 kung saan may perang inilaan sa DOTr para tulungan ang mga industriyang matinding naapektuhan.
“Tamang-tama lang ‘yung hiling ng grupo nila kasi under the Bayanihan 2, may pera pong allotted to DOTr for what we call critically impacted industries in the transport sector,” sabi ni Delgra.
Bukod dito, sinabi ni Delgra na makakatanggap din ang mga PUV operator ng cash at fuel subsidies mula sa Bayanihan 2.
Nabatid na pinayagan ng LTFRB na bumiyahe ang 286 buses sa 12 provincial routes patungo o pabalik ng Metro Manila at Regions 3 at 4A.