Quezon City – Mag-iisyu na ng special permit ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilang bus company para magdagdag ng units sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ayon kay Quezon City Task Force on Transportation and Traffic Management Office (CTTMO) chief Atty. Ariel Inton, nakipagpulong na siya kay LTFRB chairman Martin Delgra ukol dito.
Sa Lunes na magbibigay ng special permit ang LTFRB sa mga operators ng mga bus.
Nakita na ni LTFRB Technical Division Director Joel Bolaño ang pangangailangan ng dagdag na PUV sa Commonwealth ng magsagawa ito ng on site visit kasama si task force chief Atty. Inton.
Base sa datos, umaabot sa 50,000 pasahero ang sumasakay sa Commowealth araw-araw.
May nauna nang 30 units ng bus na may ruta sa lugar ang inilagay sa Dona Carmen para ma-accommodate ang mga pasahero.
Plano na rin ng task force na maglagay ng dagdag na bus units sa Litex, Sandiganbayan at Riverside, ang mga lugar na ito ay nakitaan ng dagsa ng mga pasahero lalo na kapag rush hour.
Dagdag pa ni Atty. Inton na nais niyang basagin na rin ang zombie mentality ng mga pasahero na sinasalubong ang mga pampasaherong sasakyan para makasakay.
Kaya nakadagdag din ito sa pagsikip ng daloy ng trapiko.