Aabot sa 269 units ng provincial buses ang pinayagan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para magpatuloy ng operasyon sa ilalim ng Point-to-Point (P2P) simula sa susunod na linggo.
Ayon sa LTFRB, ang karagdagang units ay bibiyahe sa 10 point-to-point routes na magbubukas sa Lunes, December 21 para payagan ang mga pasahero na makabiyahe sa iba’t ibang rehiyon matapos ang ilang buwan ng mahigpit na lockdown.
Bagamat point-to-point, nagtalaga ang LTFRB ng limited at special stops sa ilang ruta, kabilang ang mga nasa long-haul trips.
Ang mga sumusunod na provincial bus routes ay bubuksan ng ahensya:
⦁ Clark, Pampanga – SM North EDSA
⦁ Clark, Pampanga – NAIA Terminal (na may limited stop sa Ortigas)
⦁ Clark, Pampanga – Lubao, Pampanga (na may special stops sa San Fernando at Angeles City)
⦁ Clark, Pampanga – Dagupan, Pangasinan (na may special stops sa Rosales at Urdaneta)
⦁ Clark, Pampanga – Subic, Zambales (na may special stop sa Dinalupihan, Bataan)
⦁ NAIA/Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) – Baguio City
⦁ Batangas City – Ortigas
⦁ Batangas City – PITX
⦁ Lipa City, Batangas – Ortigas
⦁ Lipa City, Batangas – PITX
Sa kabuoan, aabot na sa 1,372 provincial bus units ang binigyan ng awtorisasyon para sa 41 aprubadong ruta sa bansa.
Ang LTFRB ay nakikipag-ugayan sa iba pang lokal na pamahalaan para hilinging buksan ang kanilang borders para sa provincial buses para i-transport ang karagdagang pasahero at manggagawa kasabay ng pagbubukas ng ekonomiya at turismo.
Tanging roadworthy provincial buses na may valid at kasalukuyang Certificate of Public Convenience o Application for Extension of Validity, at Personal Passenger Insurance Policy ay pinapayagang bumiyahe.