Nakatakdang magpalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng show cause order laban sa mga provincial bus operator matapos na libu-libong pasahero ang na-stranded kahapon sa mga terminal na isinisisi naman sa implementasyon ng window hour scheme.
Ayon kay LTFRB Executive Director Kristina Cassion, posibleng ngayong araw ay mailabas na nila ang show cause order laban sa mga operator na hindi bumiyahe kahapon.
Kasabay nito, binatikos ng opisyal ang mga bus operators na tila ginagawang ‘hostage’ ang kapakanan ng mga pasahero para lamang mapagbigyan ang hiling nilang makapag-terminal ulit sa loob ng Metro Manila.
Matatandaang kahapon, libu-libong pasahero ang ilang oras na na-stranded kasunod ng pagtalima ng mga bus operators sa 10 p.m. to 5 a.m na window hours para sa pag-alis at pagdating ng mga provincial bus na walang QR codes at special permits sa mga pribadong terminal sa NCR.
Pero paglilinaw ng LTFRB, nakasaad sa kasunduan ng mmda at mga operator na maaari namang gamitin ng mga provincial bus ang mga piling integrated terminal exchange (ITX) sa oras na hindi umiiral ang window hour scheme.