LTFRB, makikipag-partner sa online payment system para sa cashless payment options para sa mga PUV

Tinapik ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang digital financial services provider na PayMaya para mabigya ng cashless payment options sa mga driver at operator ng Public Utility Vehicles (PUV).

Ayon kay PayMaya Founder and CEO Orlando Vea, inaalok nila sa iba’t-ibang taxi at transport operators at drivers ang Quick Response (QR) scan-to-pay capabilities sa pamamagitan ng kanilang mobile app, na siyang magbibigay din ng access sa digital financial account na maaari nilang gamitin sa pangaraw-araw na transaksyon tulad ng pagbabayad ng bills, cellphone load, at pagpapadala ng pera sa kaibigan at pamilya.

Sa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ), nag-isyu ng guidelines ang LTFRB na minamandato ang mga taxi at transport network vehicle services (TNVS) na gumamit ng cashless payment tulad ng PayMaya para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.


Ayon kay LTFRB Chairperson Martin Delgra III, ang cashless payments lalo na sa mga taxi at TNVS ay siyang magiging ‘New Normal.’

Ang mga driver at transport operators ay makakatanggap ng contactless payments sa pamamagitan ng credit, debit, at prepaid cards sa pamamagitan ng tap-to-pay technology at iba pang digital payment solutions ng PayMaya.

Facebook Comments