LTFRB, mali ang interpretasyon ng sariling memo sa pagpapatigil sa paggamit ng hatchback unit bilang TNVS

Manila, Philippines – Namamali umano ang interpretasyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa sarili nitong Memorandum Circular na tuluyang nagbabawal na gamitin ang hatchback units bilang Transport Network Vehicle Service (TNVS).

Ito ang nilinaw ni Atty. Ariel Inton, ang presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) kasunod ng pagdulog sa kanyang tanggapan ng hatchback community, ang grupo ng TNVS  operator at drivers na hindi na pinayagan pang makakuha ng prangkisa para makapamasada sa ilalim ng Transport Network Companies (TNC).

Ayon kay Atty. Inton na dati ring naupo bilang isa sa board member ng LTFRB, walang nakasaad sa Memorandum Circular 2018-005 na hindi na tatanggapin ang hatchback unit o mas maliliit na sasakyan.


Ang nakasaad aniya sa Memorandum Circular ay maaari pang ipasok bilang TNVS ang isang hatchback unit hanggang February 2021 o tatlong taon matapos itong ipatupad noong February 2018.

Maaring na-overlook lamang aniya ito ni Chairman Delgra dahil on leave ito at hindi nakapirma sa memorandum na pirmado noon nina dating LTFRB board member Aileen Lizada at Ronaldo Corpuz.

Dahil dito payo ni Inton, dapat ay i-review muli ng LTFRB ang Memorandum Circular 2018-005 dahil bukod sa maaari silang makasuhan ng hindi pagtupad sa sariling inilabas na kautusan ay maraming driver at operator ng TNVS ang mawawalan ng pangkabuhayan.

Facebook Comments