Aabot sa higit 100,000 Public Utility Vehicle (PUV) operators na matinding tinamaan ng health crisis ang nakatakdang tumanggap ng cash subsidies mula sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Ayon kay LTFRB National Capital Region Director Zona Tamayo, may piling PUV operators sa iba’t ibang rehiyon sa bansa ang makikinabang sa subsidy program ng pamahalaan.
Layon nitong maibsan ang epekto ng pandemya sa sektor ng transportasyon.
Nasa ₱1.16 billion ang inilaan sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2 para sa pagpapatupad ng programa.
Tinatayang nasa 178,000 PUVs ang pagkakalooban ng tulong o ₱6,500 direct cash subsidy sa bawat operator.
Kabilang dito ang 120,000 jeepneys, 21,998 buses, 24,374 UV Express Units, 10,188 Filcabs, 1,259 mini buses at 426 point-to-point shuttles.
Ang LTFRB ang mangangasiwa ng distribusyon ng pondo na maaaring gamitin ng mga benepisyaryo bilang pambayad utang, para sa gasolina at iba pang operational at maintenance expenses.
Maaari ding gamitin ang ayuda para sa pambili ng health supplies para maiwasan ang COVID-19 at iba pang pangangailangan sa kanilang pang-araw-araw na operasyon.
Idedeposito ang cash subsidy sa LandBank Pantawid Pasada Program Cash Cards o sa kasalukuyang LandBank o anumang bank accounts sa ilalim ng PESOnet at INSTApay.